Ambush: 3 aide ng mayor patay
MAGUINDANAO , Philippines — Bumulagta ang tatlong tauhan ng alkalde habang sugatan naman ang dalawang iba pa makaraang tambangan ng mga di-kilalang lalaki sa kahabaan ng highway sa bayan ng Talitay, Maguindanao kahapon ng umaga.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Rudelio Jocson, director ng Maguindanao PNP, nakasakay ang mga biktima sa Hi-Lux SUV (TOU-356) na pag-aari ni Mayor Montasir Sabal nang ratratin ng mga armadong grupo sa liblib na bahagi ng highway.
Nabatid na patungong Cotabato City mula sa bayan ng Talitay ang mga biktima nang tambangan ng grupo ng kalalakihan gamit ang M-14 at M-16 assault rifles.
Ayon sa report, kinilala lamang ang mga biktima sa mga alyas na Tom, Boy at Belds na sinasabing mga kamag-anak mismo ni Mayor Sabal na tumatayong security aide.
Isinugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Bobby Masulot, 34; at Kagawad Tatuan Dakondang ng Barangay Gadungan.
Magugunitang naging mainit ang nakaraang halalan noong Mayo 2013 sa nasabing bayan sa pagitan ng magkaribal na partido.
- Latest