Magpinsan inararo ng kotse, 4-anyos patay
CAVITE, Philippines – Isang 4-anyos na batang babae ang nasawi matapos na mahagip ng isang rumaragasang kotse habang tumatawid kasama ang kanyang pinsang estudyante sa Trece-Tanza Road, Brgy. De Ocampo, Trece Martirez City kamakalawa ng hapon.
Namatay noon din ang batang biktima na nakilalang si Princess Daina Gesolgon, ng Purok 6 Brgy. De Ocampo ng nasabing lunsod habang masuwerteng nakaligtas ang pinsan na si Wiljane Reyes, 12-anyos, ng nasabing lugar.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas matapos na mabangga ang biktima lulan ang isang kulay asul na kotse na may plakang PTF-816.
Sa imbestigasyon ni PO1 Eugene Estrella Baird, alas-5:45 ng hapon habang magkahawak sa kamay ang magpinsan na tumatawid sa nasabing lugar nang biglang suyurin ng rumaragasang kotse.
Ang 4-anyos na biktima ay mabilis na tumilapon dahil sa tindi ng pagkakasalpok ng kotse at sa halip na tumigil ang driver upang saklolohan ang bata at dalhin sa ospital ay mabilis siyang humarurot papatakas.
- Latest