Baby nilunod ng ina
NUEVA ECIJA, Philippines – Pinaniniwalaang kahirapan sa buhay ang isa sa motibo kaya nilunod hanggang sa mapatay ang 3-buwang gulang na sanggol ng kanyang ina saka nag-suicide sa abandonadong bahay sa Barangay Triala, bayan ng Guimba, Nueva Ecija noong Huwebes ng umaga.
Bandang alas-5 ng hapon nang matagpuan ang patay na sanggol na si Baby Miko Eugenio na nilunod sa isang timbang tubig ng kanyang ina na si Cristina Eugenio, 35.
Ayon kay PO2 Jaycee B. Toribio, nagsaksak sa dibdib si Cristina matapos lunurin ang kanyang sanggol sa isang timbang tubig.
Base sa salaysay ng mga kapitbahay, maagang iniwan ng mister ang kanyang mag-ina para magtanim sa palayan.
Hindi nagtagal ay narinig ng ilang kapitbahay ang iyak ng sanggol subalit hindi nila pinansin dahil sa pag-aakalang nagtitimpla lang ng gatas ang ina.
Nang dumating ang bayaw na si Randy Eugenio sa bahay ng mag-ina ay bumulaga sa kanya ang hipag na duguang nakabulagta sa sahig at ang sanggol ay nakalubog sa isang timbang tubig.
Narekober naman ang suicide note ni Cristina kung saan nabatid na marami umanong ni-loan ito at hindi na malaman ang gagawin sa pagbabayad. Isa rin sa dahilan kaya nagpakamatay ang babae ay mawawalan pa umano sila ng sideline sa bukid pagdating ng makinang reaper na gagamitin sa bukirin.
Kumbinsido naman ang tatay ng babae na nag-suicide nga ang kanyang anak kaya hindi na kailangang ipa post-mortem examination.
- Latest