BULACAN, Philippines – Walang kaabug-abog na napatay ang vice president ng union ng manggagawa matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa Barangay FVR, bayan ng Norzagaray, Bulacan kahapon ng umaga.
Anim na bala ng cal .45 pistol ang tumapos sa buhay ni Ronald Caca, opisyal ng Santrans Bus Co. Workers Union.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Dennis Silo, nakatayo ang biktima sa harapan ng tindahan nang lapitan at ratratin bandang alas-8 ng umaga.
Kahit sugatan ay nagawang makatakbo ng biktima patungo sa loob ng garahe ng bus terminal pero namatay din.
Tumakas naman ang tandem patungo sa direksyon ng San Jose Del Monte City habang patuloy naman ang imbestigasyon.