2 pulis kinasuhan ng rape at murder
BATANGAS, Philippines - Pormal nang sinampahan ng kasong murder at rape ang dalawang pulis kaugnay sa pagpatay at panghahalay sa dalawang babaeng preacher ng Jesus Is Lord (JIL) Movement sa bayan ng Balete, Batangas noong August 6, 2013.
Nahaharap sa two counts of murder at two counts of rape sa Provincial Prosecutors Office ang mga suspek na sina PO3 Jose Rico Benitez at PO2 Mhelven Pagkaliwangan na kapwa naka-assign sa Balete PNP.
Inayudahan ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Rueda-Acosta ang mga kaanak ng biktimang sina Adelaida Fabricante, 46; at Leonila Cafe, 48, sa pagsasampa ng kaso sa Provincial Prosecutors Office noong Martes ng umaga.
Sa isinagawang re-autopsy ng PAO doctor, lumalabas na may mga sugat ang mga biktima dulot ng pagpalo ng matigas na bagay sa ulo at may palatandaan na hinalay pa ang dalawa.
Huling nakitang buhay ang mga biktima nang makisakay sa mobile patrol ng mga pulis matapos dumalo sa prayer meeting sa Barangay Magape noong Martes ng gabi.
Sa naging salaysay ng mga saksi, sinasabing nakita nila ang mobile patrol ng mga pulis habang idinidiskarga ang mga bangkay ng biktima sa gitna ng highway.
Nauna ng iniulat ng Balete PNP na natagpuan ang mga labi nina Fabricante at Cafe sa kahabaan ng highway sa Barangay Makina matapos umanong ma hit-and-run.
Sa ngayon, restricted na sa Camp Miguel Malvar ang dalawang pulis matapos disarmahan ni Batangas PNP director P/Senior Supt. Jireh Fidel habang mariin naman itinatanggi ng dalawang suspek ang akusasyon sa kanila.
- Latest