Comelec binomba
NORTH COTABATO, Philippines - Muling ginulantang ng pagsabog ang bayan ng Kabacan, North Cotabato makaraang bombahin ang lokal na sangay ng Comission on Election (Comelec) kahapon ng madaling-araw. Sa report na nakarating kay P/Chief Insp. Jordine Maribojo, hepe ng Kabacan PNP, isang granada ang pinalipad at tumama sa bubong ng opisina ng Comelec na nasa municipal compound ng nasabing bayan.
Nawasak ang ceiling ng nasabing opisina at ilan pang mga gamit sa loob ng Comelec.
Bagama’t walang iniulat na nasawi o nasugatan sa pagsabog ay nagdulot naman ito ng takot at pangamba sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Kabacan.
Agad na kinordon ng mga operatiba ng pulisya ang nasabing tanggapan habang inaalam pa ang motibo sa nasabing pagpapasabog.
Matatandaan na noong Biyernes ng gabi ay ginulantang din ng malakas na pagsabog ang bubongan ng bahay ng Cafgu sa Rizal Street, Poblacion sa nasabing bayan kung saan nasugatan sina Benjamin Ferrer, 67; Lucena Ferrer, 60; Dzazer Ezekiel Antolin, 9; at si Eddie Antolin.
Ang pagsabog sa bayan ng Kabacan ay walang kaugnayan sa naganap na pagsabog sa Cotabato City at bayan ng Midsayap.
- Latest