4 pulis kalaboso sa pambabastos
NUEVA ECIJA, Philippines – Nasa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang apat na pulis na sinasabing lango sa alak makaraang mambastos ng mga kahera at waitress sa isang restaurant sa Barangay Sto. Rosario Young, bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nasa resÂtricted area ng Zaragoza PNP ang mga suspek na sina PO2 Michael C. Pineda, PO1 Alexander M. Ordonio, kapwa nakatalaga sa Zaragoza PNP; PO1 Marvic Pasion at si PO1 Robert Patrick Tuquero, kapwa naka-assign sa RPSB3 na nakabase rin sa Zaragoza PNP.
Base sa police report, bandang alas-6:30 ng gabi nang dumating ang apat na pulis na sinasabing lango sa alak sa Eva’s Restaurant upang kumain.
Gayon pa man, natakot ang mga kahera dahil sa pambabastos ng mga senglot na pulis kung saan naglayuan na rin ang mga waitress na sina Marivic, Sarah, Cherrylyn, Reylyn at Norly nang tangkaing pagÂhahawakan ang kanilang mga kamay.
Upang hindi na lumala ang insidente ay tinawagan ang may-ari ng restaurant na si Eva Escosa kung saan agad namang humingi ng tulong sa himpilan ng pulisya.
Rumesponde naman ang mga kabarong pulis at agad na isinailalim sa breath test sa La Paz Medicare Community Hospital ang mga suspek kung saan isinasailalim na sa masusing imbestigasyon.
- Latest