12 kinidnap ng MNLF
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang awayan ng magkalabang angkan kaya dinukot ang 12 sibilyan matapos sumalakay ang mga armadong grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa komunidad ng Barangay Bohe Baca, bayan ng Tipo-Tipo, Basilan noong Huwebes ng hapon.
Kabilang sa mga binihag ay sina Faija Banua, 44; Dalma Ambihal, Hapsa Ambihal, Satra Banua, Haide Banua, Alsaima Buddiman, Binbin Banua, Kalipa Ambihal, Pasri Ambihal, 2; Haipa Ambihal, Fathma Buddiman, at isa pang sibilyan na hindi natukoy ang pangalan.
Ayon kay AFP-Western Mindanao Command spokesman Lt. Col. Rodrigo Gregorio, sinalakay ng grupo ni MNLF Commander Hassan alyas Addang sa nasabing barangay kung saan pinasok ang kabahayan saka tinangay ang 12 sibilyan.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na paghihiganti ang isa sa motibo ng pagbihag matapos na dukutin din ng mga kalalakihang mula sa kalaban nilang angkan ang tatlong anak na babae ni MNLF Commander Hassan na sina Umma Dumalay , Kelma Dumalay, at si Pubu Dumalay noong Hulyo 9 sa Triangle, Lamitan City, Basilan.
Samantala, sa pinakahuling ulat ni Galvez, apat sa mga biktima ay pinalaya na ng grupo ni Commander Hassan kung saan kinilala ang tatlo na sina Alsaima Buddiman, Fathma Buddiman, 5-buwang gulang; at si Dalma Ambihal, 50.
- Latest