Ex-Gapo mayor kakasuhan sa P5-B utang sa kuryente
OLONGAPO CITY, Philippines - Nakatakdang kasuhan sa Ombudsman si ex-Olongapo City Mayor James Bong Gordon Jr. at ilang opisyal kaugnay sa kuwestiyunable at maanomalyang pagkakautang na aabot sa P5 bilyon sa kuryente ng nasabing lungsod.
Ayon kay Mayor-elect Rolen C. Paulino, maliban sa kanila, isa sa mga concerned resident at taxpayer na si Benjamin Miranda ang maghahain ng kasong graft laban kay Gordon dahil sa maanomalyang paglobo ng utang sa kuryente sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp (PSALM) na P5.8-bilyon.
Hihilingin din ni Mayor Paulino ang tulong ng Senado para magpaliwanag sina Gordon at ang hepe ng Public Utilities Department na si Louie Lopez kung saan lumobo ang pagkakautang ng nasabing lungsod.
Noong Hulyo 3, 2013, ay nakatakdang putulan ng suplay ng kuryente ang buong lungsod subalit sa pakikipag-ugnayan ni Mayor Paulino kina Energy Sec. Carlos Petilla, at PSALM President Emmanuel Ledesma ay napigilan ang pagputol sa suplay ng kuryente ng Cagayan Electric Power and Light Company Inc. (CEPALCO)
Bukod sa naunang P500-milyong bayad sa PSALM, kukunin ng Olongapo City government ang halagang P20-milyon kada taon mula sa kanilang Internal Revenue Allotment (IRA) para ipambayad sa pagkakautang na isa lamang sa mga paraan para unti-unting mabawasan ang utang sa kuryente.
Dahil na rin sa kinakaharap na problema sa power debt crisis, ilang ahensya ng gobyerno ang tumulong sa pamamagitan ng donasyon mula sa Phil. Amusement and Gaming Corp. na nagbigay ng P2-milyon at P.79 milyon naman mula sa Phil. Charity Sweepstake Office.
Hindi naman makontak si ex-Gapo Mayor Gordon para ibigay ang kanyang panig.
- Latest