4 bata patay sa sagasa
MANILA, Philippines - Apat na mag-aaral sa elementarya ang sinalubong ni kamatayan habang tatlong iba pa ang grabeng nasugatan makaraang masagasaan ng service vehicle ng Biliran Electric Cooperative sa bahagi ng Barangay San Isidro sa bayan ng Biliran, Leyte kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga namatay ay ang magkaÂpatid na Marvic Joefe Garis, 9; Florence Garis, 7; Glori Jane Bacalla, 12; at kapatid nitong si Maria Rosi Bacalla.
Isinugod naman sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City ang mga sugatang sina Jennel Napoles, 7; Jea Napoles, at si Cristine Bacalla.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa harapan ng Naval State University bandang alas-7:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, naglalaro sa harapan ng nasabing unibersidad ang mga elementary pupil sa eskuwelahan nang masagasaan ng service vehicle ng nasabing kooperatiba na minamaneho ni Poncio Balutan.
Napag-alamang nawalan ng preno ang sasakyan kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at nasagasaan ang mga bata.
Boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang driver ng sasakÂyan habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest