Police trainees inambush: 1 patay, 9 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis trainee habang 9 na iba pang kasamahan ang malubhang nasugatan matapos na tambangan habang nagdya-jogging ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Tadian, Mountain Province kahapon ng umaga.
Ayon kay Cordillera Police Spokesman P/Supt. Davy Vicente Limmong, dakong alas:5:45 ng umaÂga habang nagsasagawa ng pang-umagang ehersisyo ang may 95 police scout trainees at apat na police assistant instructors nang ambusin sa may Brgy. Kabungan, ng nasabing bayan.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang bagitong pulis na si Police Officer1 Denver Balabag, na nagtamo ng bala sa katawan.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Luis Hora Hospital sa Abatan, Bauko ang mga nasugatan na sina POs1 Millenium Bantas, Alexander Dulnuan, Junete Ngalawen, Jasmine Salve, Jefferson Sari, Mitchel Malubon, Pawas Daketan at Robin Benito habang inilipat sa Baguio General Hospital si PO1 Edison Waguis sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang mata.
Ayon kay Limmong ang mga sugatang bagitong pulis ay dinala na sa Luis Hora Hospital, Abatan, Bauko, Mountain Province gayundin ang bangkay ni PO1 Balabag maliban kay PO1 Waguis na inilipat na sa Baguio General Hospital sanhi ng tama ng bala sa kaliwa nitong mata.
Sinabi ni Limmong na abala sa page-ehersisyo ang mga pulis na sumasailalim sa scout training nang paulanan ng bala ng mga rebelde na tinatayang mahigit sa 20 ang bilang.
Taliwas sa napaulat na maraming hinostage na police scout trainees, sinabi ng opisyal na ‘all accounted’ na ang 99 pulis matapos na magsipagkubli lamang at naghiwahiwalay ng direksyon dahil hindi umano sila mga armado nang umatake ang mga rebelde.
- Latest