5 sundalo tinamaan ng kidlat
MANILA, Philippines - Limang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na nasugatan matapos tamaan ng kidlat ang command post sa Barangay Chua, bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat noong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga nasugatang sundalo ay sina Captain Joseph Andog, Sergeant Wilmer Walid Asis, Sergeant Larry Naranjo, Corporal Edzel Cabatuan at si Private First Class Jack Indap.
Sa naantalang ulat na nakarating kahapon sa Philippine Army, bandang alas-4 ng hapon nang tamaan ng kidlat ang kubo na may radio antenna ang bubungan na kinaroroonan ng mga biktima.
Sa lakas ng tama ng kidlat ay hinimatay sina Andog, Naranjo at Indap habang nakaramdam naman ng pamamanhid ng binti si Cabatuan.
Agad namang isinugod sa ospital sa bayan ng Sto.Niño, South Cotabato ang mga biktima na nagtamo ng mga sunog sa katawan.
Nabatid na ang mga biktima ay bahagi ng 16th Field Artillery Battalion na idineploy upang magmonitor sa illegal logging.
Sa pinakahuling report, nakalabas na sa pagamutan ang tatlo sa limang sundalo habang patuloy na inoobserbahan sina Andog at Cabatuan na kapwa idineklarng nasa ligtas na kalagayan.
- Latest