Parak patay sa pag-awat sa frat war
MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang pulis nang pagbabarilin matapos na awatin ang nag-aaway na grupo ng mga kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng magkalabang fraternity sa Brgy. Looc, Danao City, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si SPO2 Jose Relampagos, residente ng Brgy. Dumlog ng lungsod, dead-on-arrival sa Danao City Provincial Hospital sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ng Danao City Police, si Relampagos, imbestigador ng Tuburan Police Station ay nagtungo sa Brgy, Looc kasama ang kaniyang live-in partner upang makilahok sa pagsisindi ng kandila kaugnay ng ginaganap na piyesta sa lugar .
Bandang alas-5 ng hapon habang pauwi na ang maglive-in partner nang makita ng nasabing parak ang komosyon sa pagitan ng magkalabang grupo ng fraternity na karamihan ay mga kabataan.
Palibhasa’y pulis, puÂmagitna si Relampagos sa grupo ng nag-aaway na mga kabataan na may mga bitbit na sumpak, patalim at kahoy para awatin ang mga ito.
Gayunman, nairita ang mga suspek kung saan ilan sa mga ito ay pinagbabaril ang nasabing parak na nabigo ng bunutin ang kaniyang 9 MM pistol para gumanti ng putok.
Sa followup operation , nasakote naman ang ilan sa mga suspek na kinilalang sina Ronstel Casas, 27 anyos; Ronnie Capin, 31, Brave Alvaro, 19 taong gulang.
- Latest