3 organic products, pinakukumpiska ng FDA
MANILA, Philippines - Iniutos ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagkumpiska sa tatlong hindi rehistradong organic health products, food supplements at herbal products, na may claim na nakakagaling ng sakit na cancer.
Batay sa Advisory 2013-004, sinabi ng FDA na nakatanggap sila ng ulat na ang food supplement products na Aro Baro Churo Organic Tea, Aro Guyabano Tea at Aro Baro Churo Guyabano Capsules ay ipinagbibili sa buong bansa.
Nakasaad umano sa label ng mga naturang produkto na ang mga ito ay 10,000 ulit na mas malakas at mas mabisang panlaban sa sakit na kanser kumpara sa chemotherapy.
Sinasabi rin ang mga nasabing produkto ay nagtataglay ng Adriamycin na nakamamatay ng cancer cells pero nang beripikahin ay lumitaw sa record ng FDA na hindi rehistrado bilang herbal drugs o kahit food supplements kaya pinakukumpiska ang mga ito.
Binalaan din ng FDA ang publiko na huwag tangkilikin ang mga produktong hindi aprubado at rehistrado sa ahensiya dahil sa peligro sa kalusugan at may kamahalan ang presyo.
“These products are not only ineffective and expensive, but they may cause adverse reactions and events, some of which may be life-threatening,†babala pa ng FDA.
- Latest