Bangka lumubog: 1 patay, 22 pa nasagip
CAMP SIMEON OLA , Legazpi City, Philippines — Isang 18 anyos na dalaga ang nasawi habang 22 namang mga pasahero ang nailigtas ng mga elemento ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos na lumubog ang sinasakyan ng mga itong pampasaherong bangka ng hampasin ng malalaking alon sa karagatan ng Brgy. San Rafael, Pilar, Sorsogon kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Rosemarie Rebusora, 18 , idineklarang dead-on-arrival sa Donsol District Hospital.
Bandang alas-2 ng hapon ng lumubog ang bangkang sinasakyan ng 23 katao na pinatatakbo ng bangkerong si Manuel Arca Jr.
Napag-alaman na ang naturang bangka na galing sa Barangay Dapdap at patunggo na sa Pilar Port ng paghahampasin ng malakas na alon hanggang sa pumasok sa bangka bunsod upang lumubog ito.
Nagresponde naman ang mga tauhan ng PCG matapos na matanggap ang distress call kung saan nasagip ang 22 pasahero habang minalas namang masawi sa insidente si Rebusora. Sinabi pa sa ulat na ang katawan ni Rebusora ay natagpuang lumulutang di kalayuan sa kinalubugan ng bangka . Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang kasong ito.
- Latest