Truck vs bus: 10 patay, 40 pa sugatan
MANILA, Philippines - Sampu katao ang nasawi habang mahigit sa 40 ang nasugatan, ilan dito ay nasa kritikal na kondisyon makaraang magbanggaan ang isang rumaragasang trailer truck at kasalubong nitong pampasaherong bus sa bulubunduking bahagi ng highway ng Brgy. Uling, Naga City ,Cebu nitong Miyerkules ng hapon.
Kabilang sa nasawi ay si Antonio Omagay, driver ng prime mover trailer truck (GUF -405) at siyam pang mga pasahero ng Calvo Bus Liner (GWH-253) na minamaneho ni Jimmy Limoran na gaÂling Cebu City at patungong Toledo City na may sakay na 56 katao.
Ang iba pang nasawi ay mga pasahero naman ng bus na sina Lyle Carmita, 5; Emmanuel Gaudisi, 28; Almera Pamandanan, 36; Cayetana Fernandez, Dionny Pajamutan, Melvin Constanilla; pawang nasa hustong gulang, Lilita Etang, 51, Julie Pajamutan, nasa hustong gulang at isang di pa nakilalang lalaki na tinatayang 21-anyos.
Ayon kay PO2 Dionisio Trumata ng Naga City Police, lima sa mga biktima ay dead-on-the-spot kabilang si Omagay habang lima naman ang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Bandang alas-4:45 ng hapon nang mangyari ang malagim na sakuna sa kahabaan ng matarik na highway ng Sitio Gaway-Gaway, Brgy. Uling ng lungsod.
Kasalukuyang bumabagtas ang Prime Mover Trailer truck (GUT 405) na minamaneho ni Omagay sa nasaÂbing lugar nang bigla na lamang itong mawalan ng preno sa matarik at pakurbadang highway ng nasabing lugar.
Tuluy-tuloy nitong sinalpok ang kasalubong na bus na nakaladkad ng 15 metro at sa lakas ng pagkakabangga ay nahulog pa sa isang malalim na kanal sa tabi ng highway habang ang trailer truck ay sumalpok pa sa isang puno ng mangga kung saan naipit ang katawan ng driver na si Omagay na siya nitong ikinamatay.
Isinugod naman sa Carmen Copper Hospital sa Brgy. Don Andres Soriano ng lungsod ang mga nasugatang biktima kabilang ang 34 pasyente na dinala sa Don Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.
- Latest