8-anyos napatay ng 12-anyos na kuya
MANILA, Philippines - Napatay ang 8-anyos na batang lalaki makaraan mabaril ng kanyang 12-anyos na nakatatandang kapatid sa liblib na bahagi ng Barangay Alacalian sa bayan ng Taytay, Palawan noong Martes ng madaling-araw.
Sa naantalang ulat na nakarating sa Camp Crame kahapon, kinilala ang biktima na si Gian Paulo de la Vega
Na-trauma naman ang kapatid nitong 12-anyos na itinago sa pangalang Alexander matapos na mapatay ang biktima.
Sa report ng Palawan PNP, naganap ang insidente sa tahanan ng mag-utol sa Sitio Kawakayan bandang alas-12 ng madaling-araw noong Enero 1.
Nabatid na ang baril na nakapatay sa bata ay sinasabing pag-aari ng kapitbahay ng pamilya de la Vega.
Ayon sa imbestigasyon, pinaglaruan ng suspek ang napulot na baril kung saan nakalabit nito ang gatilyo at sumapul sa katawan ng nakababatang kapatid.
Matapos ang insidente ay umalis ng kanilang tahanan ang bata at umuwi lamang kamakalawa.
Kasalukuyan tinitingnan ang posibleng pananagutan ng mga magulang ng magkapatid sa naganap na insidente.
- Latest