Top NPA rebel officer timbog
MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng pulisya ang isang mataas na opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nago-operate sa Northern Luzon sa isinagawang operasyon sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 2 Director P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia ang nasakoteng lider ng NPA na si Rene Emondo Abiva.
Ayon kay de Gracia si Abiva ay nasakote ng mga intelligence operatives ng pulisya sa kahabaan ng Taft Street, Bagumbayan, Tuguegarao City ng lalawigang ito bandang alas-4:35 ng hapon.
Sinabi ni de Gracia na si Abiva ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa lalawigan ng Ifugao kaugnay ng kaso nitong kriminal.
Sa tala, si Abiva ay dating cadre at miyembro ng Regional White Area Committee ng CPP-NPA na kumikilos sa Cagayan Valley Region.
Nabatid na ang nasabing lider ng mga rebelde ay asawa ni Mildred Goyagoy, dating kalihim ng Karapatan na nahaharap rin sa kasong murder kaugnay ng pananambang sa tropa ng pamahalaan sa lalawigan ng Ifugao noong nakalipas na Abril ng taong ito.
- Latest