8 bayan sa Aklan nasa state of calamity
MANILA, Philippines - Umabot sa walong bayan sa lalawigan ng Aklan ang idineklara sa ilalim ng state of calamity sanhi ng matitinding pagbaha dulot ng pananalasa ng bagyong Quinta.
Sa ulat na tinanggap kahapon ng Office of Civil Defense ay kabilang sa mga inilagay sa state of calamity ay ang mga bayan ng Madalag, Banga, Libacao, Malinao, Numancia, Lezo, Ibajay at ang kapitolyo ng Kalibo.
Iniulat din na daang residente naman sa Kalibo ang inilikas sanhi ng high tide na pinalala pa ng flashfloods.
Nabatid na bagaman nasa ilalim lamang ng signal #1 ang Aklan noong Miyerkules ay matindi ang pag-ulang ibinuhos ng bagyong Quinta na nagdulot ng malawakang pagbaha.
Samantala, maging ang kanugnog na lalawigan ng Capiz, Iloilo at Antique ay dumanas din ng grabeng pagbaha.
Nakaapekto rin ito sa mga residente sanhi ng pag-apaw ng mga ilog.
- Latest