Totoy inutas ng amaing adik
TUGUEGARAO CITY, Philippines- Kinasuhan ng pulisya ang 39-anyos na amain matapos nitong patayin sa saksak ang kanyang 5-anyos na stepson na una niyang sinabing namatay sa aksidente sa Barangay Linao East, Tuguegarao City. Sa ulat na ipinalabas ni P/ Senior Supt. Gregorio Lim, sumuko na ang suspek na si George Panaga, tricycle driver. Lumilitaw na pinalabas ni Panaga na namatay ang kanyang stepson na si John Carlo Pasaraba sa aksidente taliwas naman sa imbestigasyon ng pulisya matapos mapag-alaman na wala namang napinsala sa traysikel nito. Bukod dito, nabatid sa post-mortem examination ng biktima na nagtamo ng mga pasa at saksak sa katawan ang bata. Sinasabing lango sa bawal na droga ang suspek noong niyaya nitong mamasyal ang biktima sakay ng traysikel. Isa sa mga sinasabing motibo ng suspek sa pagpaslang ay nais masolo nito ang pagmamahal na inuukol sa ina sa bata.
- Latest