MANILA, Philippines - Umaabot sa 315 hotspots na nasa watchlist kaugnay ng posibleng pagsiklab ng karahasan sa 2013 midterm elections ang natukoy ng pulisya sa Western Visayas Region.
Ayon kay PRO-6 Western Visayas Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang naitalang 315 barangay na nasa hotspot ay higit na mataas kumpara sa rekord na 49 noong 2010 elections.
Sa nasabing istatistika ay 89 ang iklinasipika sa kategorya numero uno o election areas of concern at 226 naman ang election areas of immediate concern.
Kabilang dito ay ang 126 barangay sa Negros Occidental, 77 sa Capiz, 75 sa Iloilo, tig-siyam sa Aklan at Iloilo City at dalawa naman sa Bacolod City habang wala namang hotspot sa Guimaras.
Inihayag naman ni P/Senior Supt. Manuel Felix, deputy regional director for Administration na ang paglobo ng hotspots kaugnay ng napipintong 2013 midterm elections ay alinsunod sa pinakabagong assessment ng pulisya.
Samantala, limang private armed groups (PAGs) na hindi pa umano aktibo ang nasa watchlist ng PRO 6, ayon pa sa opisyal.
Base sa tala, aabot sa 68 PAG’s ang nasa watchlist ng pulisya sa buong bansa kaugnay ng misyong maipatupad ang mapayapa at matiwasay na 2013 midterm elections.