MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang dahil sa pagtangging makipag-sex, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang 18-anyos na dalaga ng sarili nitong boyfriend sa Barangay San Carlos sa bayan ng Anilao, Iloilo kamakalawa.
Pitong saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Julie Ann Valencia ng Barangay Vista Alegre, Barotac Viejo habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Marky Jagorin, 25, ng Brgy. San Carlos, Anilao.
Base sa imbestigasyon, noong Sabado ng gabi ay nagpaalam ang biktima sa kaniyang mga magulang na manonood ng Banaag Festival sa Anilao pero nakipagtagpo ito sa kasintahan bago dinala ng suspek ang kasintahan sa bahay ni Luis Senanin.
Sa salaysay ng matandang Luis, bandang alas-2 ng madaling-araw nang nagkakalabugan sa katabing silid ng magkasintahan kung saan umiiyak at humihingi ng tulong ang dalaga.
Natakot naman ang matanda kaya nagsara na lamang ng pinto hanggang sa makatulog at kinabukasan ay nadiskubre ang bangkay ng biktima.
May teorya ang pulisya na pinilit ng suspek ang biktima na mag-sex nguni’t tumanggi ito kaya pinagsasaksak.
Samantala, narekober naman ng pulisya sa crime scene ang sex video sa cell phone ng nasabing lalaki na pinanood pa ng magkasintahan bago naganap ang krimen.