Bike vs bike: 2 tinedyer todas
MANILA, Philippines - Dalawang tinedyer na lalaki ang iniulat na nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang motorsiklo sa kahabaan ng highway ng Barangay Nylon, Bogo City sa Cebu kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ralph Vincent Gilig, 16; backrider sa motorsiklo at ang driver na si Ernesto Alburo, 15.
Sugatan naman ang driver ng nakabanggaang motorsiklo ni Alburo na si Darwin Duhaylungsod at mga kaangkas nitong sina Joey Baulunan at isang tinukoy sa pangalang Ariel.
Sa inisyal na imbestigasyon, kapwa walang lisensya ang dalawang driver habang si Alburo ay hindi pa maaring magmaneho dahil sa pagiging menor-de-edad.
Lumilitaw sa imbestigasyon na masyadong mabilis ang pagmomotorsiklo ng dalawa na humantong sa malagim na banggaan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang pamilya ng dalawang driver na pinahintulutang magmotorsiklo sa kapwa menor-de-edad at walang lisensya.
- Latest