420,000 sako ng bigas isinubasta na
SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Tinatayang aabot sa 420,000 sako ng bigas mula sa India na nagkakahalaga ng P462 milyon ang naisubasta na ng Bureau of Customs sa Port of Subic kahapon.
Umabot sa 18 ang nag-aplay para lumahok sa subasta ngunit dahil sa kakulangan ng kaukulang dokumento, dalawa lamang ang pinayagang lumahok sa subasta.
Dalawa sa lumahok sa subasta ay ang Veramar Ricemill and Trading ni Pelagio de Vera, at Purefeeds Corp. naman ni Jomerito Soliman.
Gayon pa man, nanalo ang Veramar na nagsumite ng halagang P487 milyon na mas mataas kumpara sa ibinigay ng Purefeeds na P474 milyon.
Dahil dito, umurong ang kinatawan ng Purefeeds na si Soliman, kaya idineklarang panalo sa subasta ang Veramar matapos ang open bidding.
Ayon kay Bureau of Customs Port of Subic District Collector Carmelita Talusan, ang bidding process ay alinsunod sa Custom Administrative Order ng BoC na sinaksihan ng mga kinatawan ng National Food Authority (NFA), Commission on Audit (COA), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at mga mamamahayag.
Ikinatuwa naman ng mga observer ang naganap na subasta dahil sa maayos at malinaw na proseso kung saan hindi malayo na ang magandang imahe ng BoC at tiwala ng mamamayan ay manumbalik.
Ang 420,00 sako ng bigas ay nasamsam mula sa consignee na Metroeastern Trading Corp. matapos mabigong magpakita ng kaukulang dokumento at permit mula sa NFA kaya ipinag-utos ni BOC Commissioner Ruffy Biazon na kumpiskahin noong Hulyo 2012.
- Latest