Eskuwelahan binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines - Binulabog ng bomb threat ang isang eskuwelahan sa Davao City kaya sinuspinde ang klase noong Biyernes. Sa ulat ng Davao City PNP, nagpanik ang mga estudyante at guro ng F. Bangoy National High School sa Sasa District matapos na mapulot ng isa sa mga estudyante ang liham sa isa sa mga silid-aralan. Nakasaad sa sulat ang pagbabanta na anim na bomba ang itinanim at sasabog anumang oras sa palibot ng paaralan kung saan ay may nakalagay din sa dulo ng liham na “Laban Pilipinas”. Agad naman itong ipinaalam ng mga estudyante sa kanilang principal kung saan ay sinuspinde muna ang pasok sa eskuwelahan at pinalikas ang mga estudyante sa kalapit na elementary school. Bandang alas-9:30 ng umaga nang rumesponde ang bomb disposal team ng Davao City PNP subalit matapos ang ilang oras na paghahalughog ay wala ni isa mang bomba ang natagpuan. Pinaniniwalaan namang bahagi lamang ng pananakot sa mga estudyante at guro ang natagpuang bantang pambobomba habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending