MANILA, Philippines - Napaslang ang barangay chairman matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen sa bisinidad ng daungan ng mga bangka sa Barangay Poblacion sa bayan ng Barobo, Surigao del Sur kamakalawa ng umaga. Kinilala ni Caraga PNP spokesman P/Supt. Martin Gamba ang nasawing biktima na si Chairman Reneboy Lacerna ng Barangay Sua. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pasakay ang biktima sa kaniyang bangka nang lapitan at ratratin ng tandem. Ang biktima ay idineklarang patay sa D.O. Plaza Memorial Hospital sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur.