Landslide: 140 katao naapektuhan
MANILA, Philippines - Umaabot sa 28 pamilya (140-katao) ang naapektuhan matapos manalasa ang landslide sa Sitio Panamukad, Barangay San Jose sa Malaybalay City, Bukidnon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Senior Inspector Silvestre Asiong, operations officer ng Malaybalay City PNP, naganap ang pagguho ng lupa bago mag-alas – 6 ng gabi.
Nabatid na katatapos lamang maghapunan ng mga residente habang ang iba naman ay naghahanda na para matulog nang makarinig ng malakas na dagundong mula sa bundok.
Kasunod nito ay rumagasa ang lupa mula sa bundok kung saan ay natabunan habang ang iba naman ay nawasak ang kabahayan sa paanan ng dalisdis.
Sa pahayag naman ni Josephine Lumacam, executive officer ng Office of Civil Defense Region 10, wala namang naiulat na natabunan, nasawi o malubhang nasugatan sa insidente.
Pansamantala namang inilikas sa Mabuhay Elementary School sa Brgy. San Jose ang mga naapektuhang residente at namahagi na rin ng relief goods ang lokal na pamahalaan.
- Latest
- Trending