MANILA, Philippines - Bumulagta ang dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa kahabaan ng highway sa Barangay Pagsawitan, Sta Cruz, Laguna kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Supt. Fausto Manzanilla Jr., Laguna PNP director, nagsasagawa ng Oplan Sita sa checkpoint ang pangkat nina P/Supt. Ronaldo Mendoza, at P/Inspector Wilfredo Sacmar at iba pang units ng pulisya nang masabat ang riding-in-tandem gunmen.
Nabatid na tinangkang iwasan ng tandem na kapwa nakasuot ng pulang bonnet ang checkpoint kaya hinabol sila ng mga pulis.
Dito na pinaputukan ng backrider ang humahabol na pangkat ng pulisya kung saan nauwi sa shootout.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok, bumulagta ang dalawa na kapwa inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang motorsiklo na walang plaka, baril, apat na bala, 2- cartridge ng baril, granada, 3 cartridge, pulang bonnet at iba pa.