Dimayuga umatras sa mayoralty race
SAN PASCUAL, Batangas , Philippines - Hindi na kakandidato si Mayor Antonio “Tony” Dimayuga sa May 2013 midterm elections dahil sa sinasabing nakaambang disqualification case laban sa kanya.
Sa panayam, inamin ni Mayor Dimayuga na mas mainam kung tapusin na niya ang kanyang termino.
“Sa Lunes o sa darating na araw iwiwidraw ko na. Kasi mahirap na, I am withdrawing from re-election,” pahayag pa ni Dimayuga.
Nahaharap sa disqualification case si Dimayuga, matapos mapag-alamang ito na ang ikaapat na sunod na termino sakaling muling manalo.
Sa ilalim ng batas, tatlong magkakasunod na termino lang pinapayagan ng Comelec ang mga kandidato sa mayoralty race.
Si Mayor Dimayuga ay naunang nanalo noong 2004, pero napatalsik dahil sa election protest ni ex-Mayor Mario Magsaysay Jr.
Nakabalik si Dimayuga noong 2006 matapos ideklara ng Comelec na siya ang nanalo kung saan muling kumandidato at nanalo noong 2007 at 2010.
Nabatid na noong huling araw (Biyernes) ng pagsusumite ng kandidatura, naghain ng certificate of candidacy (COC) ang asawang si Brenda Dimayuga laban kay Antonio Tavarez Jr. sa mayoralty race.
“Galit ang mga residente dahil lumalabas na ayaw nilang mawala ang kanilang political career,” ayon kay Jane Sillaza ng San Pacual. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending