Bodyguard ni Pacman dinedo sa love triangle

MANILA, Philippines - Nagwakas ang buhay ng isa sa mga bodyguard ni boxing icon at Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao matapos itong saksakin ng dating ka-live-in ng kinakasama sa Barangay Labangal General Santos City kamakalawa ng gabi.

Labindalawang saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni SPO3 Rey Edradan, 42, ng Barangay Lagao kung saan naisugod pa sa Saint Elizabeth Hospital.

Sa phone interview, sinabi ni SPO1 Edward Combater ng Police Precinct 2 ng General Santos City, naganap ang krimen sa bahay ng ka-live-in nitong si Rowena Cabayog ng Phase II B sa Doña Soledad Subdivision sa nabanggit na barangay.

Lumilitaw na pinuntahan ng biktima ang bahay ng kaniyang ka-live-in na si Rowena Cabayog kung saan nadatnang kausap ng babae ang dating ka-live-in nito.

Dahil dito, nauwi sa mainitang pagtatalo kung saan pansamantalang ’di muna tinukoy ang pangalan ng suspek na ginulpi ng biktima sa harap mismo ng babae.

Gayon pa man, gumanti ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima kung saan nagawa pang maisugod sa nasabing ospital pero idineklarang patay.

Patuloy ang pagtugis sa suspek na hindi muna tinu­koy ang pangalan para ’di mabulilyaso ang manhunt operations, ayon kay P/Senior Insp. Lorenzo Henares, commander ng PNP station 2.

Show comments