CAMARINES NORTE , Philippines - Pinatunayan ng Liberal Party na hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ng mga residente sa Camarines Norte makaraang muling suportahan sa pagsusumite ng certificates of candidacy (COC) ng grupo ni Gov. Tallado sa provincial Comelec kamakalawa ng hapon.
Nagdaos muna ng misa sa Agro Sports Center at maikling programa ang grupo nina Gov. Egay Tallado at Vice Governor Jonah Pimentel bago nagsumite ng COC sa Comelec sina Atty. Liwayway Vinzonz-Chato at Labo Mayor Winnie Balce Oco na kapwa tatakbo sa congressional race sa 2nd at 1st district.
Nagsumite rin ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-Board Member ang grupo ng Liberal Party na sina Frankie Ramos, Sammy King, Romeo Marmol, Pol Gache, Bong Avila, Nards Baning, Dr. Rene Verzo, Pamela Pardo, Edgar Dasco, at si Errol Valeros.
Sa ginanap ng Press conference, ipinahayag ni Gov. Tallado na mahirap ng buwagin ang kanyang liderato dahil sa mga nagawang proyekto sa 12 bayan partikular ang patuloy na multi-services caravan sa 282 barangay.
Ang dating magkalabang kandidato na sina Tallado at Oco ay magkasama na at handang magtulungan para sa kaunlaran ng Camarines Norte.