CEBU CITY, Philippines – Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang 55-anyos na detainee mula sa Daanbantayan Police Station na ililipat sana sa Medellin District Jail matapos itong uminom ng muriatic acid noong Huwebes.
Naisugod pa sa Daanbantayan District Hospital si Gavino Siangko Jr. ng Bragat Compound sa Barangay Maya subalit namatay makalipas ang dalawang oras.
Nabatid na nagpalabas ng order si Judge Antonio Marigomen ng Regional Trial Court Branch 16 ng Barangay Dakit, Bogo City para ilipat si Siangko.
Dismayado naman si Siangko na may kasong paglabas sa Dangerous Drugs Act of 2002 noong Sept 14 matapos malaman nitong ililipat siya ng kulungan sa Medellin District Jail sa Barangay Caputatan Sur noong Huwebes ng hapon.
Ayon kay PO3 Alfredo Mandal, si Siangko kasama ang dalawa pang detainees na sina Geraldo Marikit at Armel Aligato ay dadalhin sa Municipal Rural Health Unit para sa medical examination bilang requirement ng jail management sa mga detenidong ililipat.
Subalit napansin nina SPO3 Herminio Marinduque, duty jailer, at PO2 Ressan Moralde, patrol driver, na si Siangko ay namimilipit sa sakit ng tiyan kaya mabilis na isinugod sa nasabing ospital.
Sa isinagawang inspection sa stockade, narekober ang botelya ng mineral water na naglalaman ng muriatic acid na nasa hagdan ng gusali.
Pinaniniwalaang kinuha ni Siangko ang botelya ng muriatic acid na kanilang ginagamit sa paglilinis ng floor sa bagong gusali, ayon kay Mandal. Freeman News Service