KIDAPAWAN CITY , Philippines - Dinukot ng mga ‘di- kilalang armadong kalalakihan ang may-ari ng gasolinahan, at secretary nito sa bayan ng Libungan, North Cotabato, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Inspector Bernard Tayong, hepe ng Libungan PNP, ang isa sa mga biktima na si Annie Datuwata, 70, may-ari ng Petron Gas Station sa Barangay Poblacion; at ang personal secretary nitong tinukoy lamang sa pangalang Christabelle.
Lumilitaw na nagpanggap na kustomer ang mga kidnaper nang pumasok sa tindahan ng gasolinahan kung saan agad na tinutukan ng baril si Datuwata at hinila palabas.
Tinangay din ang babaeng secretary at pilit na isinakay sa van.
Binaril din ng isa sa mga kidnaper ang sundalong escort ng biktima nang tangkain nitong i-rescue ang amo subalit di naman tinamaan, ayon pa sa ulat.
Ilang oras matapos ang rescue operations, narekober ng mga pulis ang getaway vehicle ng mga kidnaper sa abandonadong lote sa Barangay Upper Labas sa bayang nabanggit.
Ayon sa police report, sinunog ang van na pag-aari ng biktima na hindi na mapakikinabangan.
Nabatid na isinakay sa pumpboat ang mga biktima patungo sa Linguasan Marsh, Maguindanao.
Sa ngayon, di pa matiyak ni Tayong kung ang kaso ni Datuwata ay kidnapping-for –ransom dahil wala pang natatanggap na ransom note ang mga kaanak ng biktima.