2 lunod sa field trip sa Boracay
MANILA, Philippines - Nauwi sa bangungot ang masayang educational field trip matapos malunod ang dalawa-katao kabilang ang estudyante sa kolehiyo habang tatlo pa ang isinugod sa ospital makaraang malunod sa karagatan ng pamosong Boracay Island sa bayan ng Malay, Aklan noong Miyerkules ng umaga.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, kinilala ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., director ng PRO 6 ang mga nasawing biktima na si Gino Socito, 20, ng Pasig City, Hotel and Restaurant Management (HRM) student sa Arellano University; at Dabie Pedrosa, tour guide, nakatira sa bayan ng Makato, Aklan.
Ang mga kasamahang estudyante ni Socito na naisugod sa Boracay District Hospital ay sina Matthew Yambao, Francis Harina at si Jay-Ar Apostol na nakalunok ng tubig-dagat pero masuwerteng nasagip ng mga concerned citizens.
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-8:43 ng umaga sa bahagi ng karagatan sa harapan ng La Carmela Beach Resort sa Barangay Balabag sa nasabing isla.
Nabatid na nagswi-swimming ang mga estudyante kabilang na ang biktima nang tangayin ng malakas na alon.
Tinangkang sagipin ng tour guide na si Pedrosa subalit nalunod din ito habang tatlo pa sa mga estudyante ang nagtangkang sagipin ang dalawa kaya nalunod pero nailigtas.
- Latest
- Trending