CANDELARIA, Quezon, Philippines – Tatlo-katao ang iniulat na namatay kabilang ang mag-asawang nadamay sa crossfire habang nasugatan naman ang ex- Quezon ABC president sa naganap na shootout sa Barangay Pahinga Sur sa bayan ng Candelaria, Quezon kahapon ng madaling-araw.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ang mag-asawang sina Crisanto at Charina Tria habang inaalam naman ang pagkakakilanlan ng driver ng sasakyan ng mga armadong kalalakihan.
Samantala, naisugod naman sa Lucena United Doctors Hospital matapos tamaan sa hita si dating ABC President Macario Boongaling.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagsasagawa ng checkpoint ang mga opisyal ng barangay official sa pangunguna nina Boongaling at Teodoro Mendoza, hepe ng mga barangay tanod laban sa mga magnanakaw ng sasabunging manok nang maispatan ang paparating na Innova van na sinasabing may plakang ZPE 124.
Sa halip na huminto sa checkpoint ay pinagbabaril ang mga nagbabantay na tanod kaya gumanti naman ang grupo ni Boongaling hanggang sa magkaroon ng ilang minutong putukan.
Dito na tinamaan sa crossfire ang mag-asawang Tria na lulan ng traysikel habang napuruhan ang driver ng van na sinasakyan naman ng mga armadong kalalakihan.
Kung hindi nakasuot ng bullet proof vest si Boongaling ay tiyak na napuruhan ito sa katawan.
Agad namang nagpulasan ang mga suspek na inabandona ang kanilang van.
Narekober sa loob ng van ang Carbine rifle, cal. 45 pistol at isang magazine para sa M16 rifle.
Nabatid na talamak na ang nakawan ng mga panabong na manok kung saan aabot na sa 100 manok ang nawawala mula sa farm na pag-aari ni Boongaling.