MANILA, Philippines - Labindalawang-katao na karamihan ay estudyante ang kumpirmadong nasawi makaraang salpukin ng 14-wheeler truck ang kasalubong na pampasaherong jeepney sa kahabaan ng highway sa Barangay Pariir, Sarrat, Ilocos Norte kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Marlou Chan, Ilocos Norte PNP director, dead-on-the-spot sina Evalyn Canonizado, 34; Angelica Canonizado, Jenica Doropan, 13; Mickey Agbayani at isang hindi pa nakilala.
Idineklara namang patay ang mga estudyante sa Dingras Hospital at Roque Ablan Senior Memorial Hospital sina Jeremy Burgos, 11, 1st year high school; Angelica Cruz, na pawang mag-aaral sa Sta. Rosa National High School.
Samantala, ang mg estudyanteng sina Jane Ashley Pumaras, 15; at si Steve Bueno ay namatay habang ginagamot sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center habang si Joshua Bolibol naman ay nakikipaglaban kay kamatayan.
Maging ang 5-anyos na si Rylle Austin, ang driver ng jeepney na si Ferdinand de la Cruz at ang konduktor nitong si Glister Romero.
Lumilitaw na nakikipagkarera ang pampasaherong jeepney (AVZ 924) na patungo sa kanlurang direksyon nang suwagin ito ng kasalubong na truck (TGW 104) na may kargang kahung-kahong tomato paste na minamaneho naman ni Venancio Agcaoili.
Nabatid na masyadong mabilis ang truck na nabigong iwasan ang jeepney na bumulaga sa harapan nito.
Agad namang sumaklolo ang rescue team mula sa lokal na pamahalaan at ng pulisya pero karamihan sa mga biktima ay nabigong maisalba ang buhay habang patuloy naman ang imbestigasyon.