MANILA, Philippines - Nagsisimula pa lamang ang pagsusumite ng certificates of candidacy ng mga kandidato sa iba’t ibang posisyon ay sumiklab na ang matinding kaguluhan sa Zamboanga del Sur matapos mapatay ang tatlo-katao sa pagitan ng dalawang kampo ng mga supporter ng angkan ng dalawang pulitiko sa bayan ng Midsalip, kamakalawa.
Sa ulat ni Zamboanga del Sur Provincial PNP Office Director P/Senior Supt. William Manzan, kinilala ang mga napatay na sina Chairman Noeh Rosing ng Barangay Pawan at anak nitong si Banjing Rosing, political manager ng kampo ng mga Jalosjos at pinsan nitong si Daniel Rosing.
Nabatid na ang mag-ama ay supporter ng mga Jalosjos habang ang kaanak pa mismo na si Daniel ay sa kalaban sa pulitika na ang angkan ng mga Cerilles sumusuporta.
Samantala, kinilala naman ang mga nasugatan na sina Willy Pertino at Belito Rosing.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-4 ng hapon ng sumiklab ang karahasan matapos na dumalo ang mag-amang Rosing sa pagtitipon ng Nacionalista Party sa Pagadian City kung saan sinalakay ng grupo ni Daniel.
Agad na sinaksak ni Daniel si Noeh bago ito binaril habang gumanti naman si Banjing na ikinasawi ni Daniel at napatay naman ng kasamahan ni Daniel si Banjing.
Sinasabing ikinagalit ni Daniel ang pagbaliktad ng suporta ng mag-ama kay Cerilles na pumunta sa kalaban nitong pulitiko sa angkan ng mga Jalosjos.