NUEVA ECIJA, Philippines - Siyam katao ang nasawi habang siyam pa ang malubhang nasugatan makaraang magbanggaan ang isang pampasaherong bus at kasalubong na oil tanker sa Maharlika Highway sa Muñoz Science City, Nueva Ecija kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Leoncio Pajarillo, 39; Evangeline Pajarillo, 41, magkaangkas sa motorsiklo; Silvino Marzo, driver ng oil tanker; Ryan Camangeg, driver ng Victory Liner Bus; Donatella Aquino, Marife Bondoc, kapwa nakatira sa bayan ang Piat, Cagayan; at tatlong babae na hindi pa natukoy ang pangalan.
Ginagamot naman sa Paulino Garcia Memorial Research Hospital sa Cabanatuan City ang mga sugatang sina Rolando Cotanes, Maria Rowena Dacanay, Arthur Antonio Solinas, Juan Lima Taguilan, Araceli Medina, Jone Audalang, Arthur Calinas, Elvino Bajinang at si Alma Sansano.
Samantala, ang mga pasaherong hindi naman nasugatan kabilang na ang ilang nagtamo ng gasgas ay pinick-up na ng Manila –bound bus ng Victory Liner.
Sa ulat ni P/Supt. Michael Angelo Zuñiga, hepe ng Muñoz Science City PNP, bandang alas-2:30 ng madaling araw ng maganap ang trahedya sa bahagi ng Maharlika highway sa Sitio Curva, Barangay Bantog sa nabanggit na lungsod.
Kasalukuyang bumabagtas ang Victory Liner Bus (CWR 195) ni Camaging na may lulang 40 pasahero patungong Maynila nang mag-overtake ito sa sinusundang motorsiklo ng mag-asawang Pajarillo.
Bahagyang nahagip ng nasabing bus ang motorsiklo kung saan hindi naman naiwasan masalpok ang kasalubong na Isuzu truck gasoline tanker (XMD 771) ni Marzo at madamay ang motorsiklo ng mag-asawa.