Mayor, vice mayor at 5 konsehal, suspendido

TAYABAS CITY, Quezon, Philippines - Ibinaba na ng 3rd Division ng Korte Suprema ang preventive suspension laban kina Tayabas Mayor Faustino “Dondi” Silang, Vice Mayor Venerando Rea, mga konsehales na sina Ma. Cielito Zeta-Addun, Dino M. Romero, Luzviminda B. Cuadra, Estelito M. Querubin at Lyka Monica Oabel sa loob ng 90-araw  base sa inilabas ng 5th Division Resolution ng Sandigan Bayan.

Ang implementasyon ng nasabing resolution ay ipinataw kahapon ng u­maga sa Tayabas City Hall na pinangunahan ng  Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa 5-pahinang resolusyon na nilagdaan nina Roland B. Jurado, chairperson; Associate Justice Alexander B. Gesmundo at Amparo M Cabotaje-Tang, nakasaad na may matibay na ebidensya at may merito ang kasong paglabag sa Anti-Graft at Corrupt Practices Act ng mga akusado.

Hiniling na isuspendi ang mga ito para hindi maimpluwensyahan ang ilang kawani ng Tayabas City Hall at mga saksi sa naturang usapin at gamitin ang koneksyon ng mga akusado.

Ito ay kaalinsabay sa  Sec. 13 ng R.A.# 3019 “Suspension and loss of benefits” ng isang public official kung may dinidinig na kaso.

Ang naturang usapin ay nag-ugat sa kaso noong February 2008 kaugnay sa sinasabing anomalya ng Collective Negotiation Agreement (CNA) signing bonus kung saan nasa 151 permanent employees ng Tayabas City Hall ang pumirma sa voucher na nagkakahalaga ng P132, 000 subalit may ilang kawani ang nakatanggap lamang ng P 82,000.

Ang pondo umanong ginamit ay nagmula sa 50 % savings ng local government’s maintenance and other operating expenses (MOOE).  

Nakatakdang iimplementa ng Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) ang suspensyon laban sa mga akusado.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento ang mga akusado kaugnay ng nasabing kaso.

Show comments