Mag-asawang 'tulak-droga' nilikida
BULACAN, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa mag-asawa na sinasabing may kinakaharap na kasong pagtutulak ng bawal na droga matapos na pagbabarilin ng dalawang ‘di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo sa Barangay Banga 2nd sa bayan ng Plaridel, Bulacan kahapon ng umaga.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Our Lady of Mercy Hospital ang mag-asawang sina Marciano “Jun Paa” Fernando, 45, fish vendor at Yolanda “ Andak “ Fernando, 46, kapwa nakatira sa Sitio Dike sa nabanggit na barangay.
Base sa imbestigasyon ni PO3 Bienvenido Santiago, bumibili ng sigarilyo sa tindahan si Marciano nang lapitan at pagbabarilin ng backrider ng motorsiklo.
Nang marinig naman ni Yolanda ang mga putok ng baril ay lumabas ito ng bahay subalit sinalubong siya ng putok ng baril kung saan duguang bumulagta sa tabi ng kanyang mister.
Narekober sa crime scene ang pitaka ni Marciano na naglalaman ng duplicate copy ng inquest resolution kaugnay sa kaso ng mag-asawa sa iligal na pagbebenta ng shabu na may piyansang P.2 milyon, barangay clearance, photocopy ng transper certipicate of title, at P6,500 cash.
- Latest
- Trending