Notoryus drug pusher itinumba

ILAGAN CITY, Philippines - Posibleng onsehan sa bawal na droga ang isa sa motibo kaya itinumba ang 34-anyos na lala­king sinasabing nasa ikalawa sa drug watchlist ng pulisya matapos pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa loob ng convenience store sa Brgy. Centro sa Iligan City, Isabela kamakalawa.

Kinilala ni P/Senior Supt. Frank Mabanag, Isabela PNP director, ang biktima na si Philip John “Pejay” Mondonedo, may asawa at nakatira sa Brgy. Centro sa nasabing lungsod.

Ayon kay Mabanag, nakatala sa kanilang watchlist si Mondonedo bilang pa­ngalawa sa pinakapusakal na tulak ng bawal na droga kaya malaki ang kanilang hinala na may kaugnayan sa onsehan sa hatian ang pagkakapatay sa biktima.

Aabot sa walong bala ang tumapos sa buhay ni Mondonedo kung saan pinagbabaril pa habang nakahandusay na sa sahig ng convenience store sa harapan ng maraming nasindak na saksi.

Samantala, animo’y walang naganap na krimen matapos tumakas ang gunmen sakay ng motorsiklo.

Sa ngayon ay wala pa rin lumulutang na testigo na maaaring makapagbigay ng karagdagang impormasyon dahil sa takot na madamay, ayon sa pulisya.

Show comments