RIZAL, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa16-anyos na lalaki matapos malunod sa pagsagip sa kanyang mga kaibigan mula sa lumubog na bangka sa lawa ng Laguna sa Sitio Sapa, Barangay Mabuhay sa bayan ng Binangonan Rizal, kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Chief Insp. Bart Marigondon ang nasawi na si Wilfredo Bernardo ng Sitio San Antonio, Brgy. Tayuman sa nasabing bayan. Nabatid na patungo sa kabilang barangay ang magkakaibigan sakay ng bangkang-de-motor nang biglang lumubog dahil sa matinding balya ng alon at hangin. Si Bernardo lamang ang marunong lumangoy kaya isa-isang sinagip ang anim nitong kaibigan na nakakapit sa lumulutang na kahoy patungong pampang. Subalit sa pinakahuling nasagip na kaibigan ay pinulikat na ang biktima kaya nilamon ng tubig.