3 kidnaper tumba sa shootout
MANILA, Philippines - Tatlong bandidong Abu Sayyaf na kidnaper ang napaslang matapos makipagsagupaan sa mga operatiba ng pulisya at militar habang nasagip naman ang Chinese trader na bihag sa inilatag na rescue operation sa Zamboanga City kahapon ng umaga.
Ayon kay Directorate for Police Operations-Western Mindanao Director P/Chief Supt. Manuel Barcena, bandang alas-10 ng umaga nang sumiklab ang bakbakan sa liblib na bahagi ng Brgy. Dulian Calabasa.
Ang grupo ng Sayyaf sa pamumuno nina Khair Mundos at Ajijul Temeng ay sangkot sa pagbihag sa mining executive na si Lin Yuankai alyas Jampong Lin, 38; at kasamahan nitong negosyanteng si Jian Luo alyas James Luo, 43.
Ang dalawa ay binihag sa bayan ng Kabasalan, Zamboanga del Sur noong Hunyo 4 kung saan unang pinalaya si Luo sa Zamboanga City noong Agosto 26 matapos na magbayad ng ransom.
Matagumpay namang nailigtas ang biktimang si Yuankai matapos na magpulasan ang mga kidnaper na nasiraan ng loob sa pagkalagas ng kanilang tatlong kasamahan.
- Latest
- Trending