MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng dating pulis na isa sa mga itinuturing na most wanted na lider ng notoryus na kidnap-for-ransom at robbery/holdup gang matapos madakma sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Brgy. Poblacion IV sa bayan ng Moncada, Tarlac kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Alfred Corpus na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang nasakoteng suspek na si ex-PO1 Joel Gidayao Tapec.
Si Tapec ay sinasabing lider ng kilabot na Dose Pares Group na sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom at robbery /holdup sa mga lungsod ng Pasig, Makati, Quezon at lalawigan ng Rizal.
Bandang alas-2 ng hapon nang makorner si Tapec ng mga tauhan ni Moncada Police Chief P/Chief Insp. Augusto Pasamonte sa Brgy. Poblacion.
Sa tala ng PNP, si Tapec na may patong sa ulo na P275,000 at ikatlo sa top 10 most wanted sa Eastern Police District ay may nakabimbing kasong kidnapping for ransom with homicide na inisyu ni Regional Trial Court Branch 219 Judge Bayani Vargas noong Mayo 11, 2006; robbery with homicide na walang inirekomendang piyansa noong Mayo 8, 2006 na inisyu naman ni Judge Ruth Cruz-Santos ng Antipolo City Regional Trial Court Branch 72 at mga kasong robbery/holdup at iba pa.