OLONGAPO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang balakid si Rep. Mitos Magsaysay sa pagsisikap ng lokal na pamahalaang Olongapo City para sa modernisasyon ng power distribution system kung saan matugunan ang pagkakautang nito sa Power Sector and Utilities Management Corp. (PSALM).
Ito ang tahasang pahayag ni Gapo Councilor Eduardo Piano na nag-akusa na inuupuan ni Magsaysay ang franchise application ng Cagayan Electric Power and Light Co. (CEPALCO) upang patakbuhin at pangasiwaan ang naghihingalong electric power distribution system na nangangailangan lamang ng go-signal mula sa Kongreso.
“Walang karapatan si Magsaysay para humiling ng imbestigasyon sa pagkakautang ng lungsod dahil siya ang unang kumontra sa hiling ng Olongapo City para sa debt condonation na maaaring gawin ng Olongapo City Public Utilities Department (PUD) sa ilalim ng EPIRA law,” wika ni Piano.
Sinabi naman ni Mariz Topacio, secretary-general ng Olongapo Consumers Association (OCA), na binabalewala ni Magsaysay ang kapakanan ng kanyang nasasakupan at sa halip ay inuuna pa ang interes ng kanyang pamilya sa politika.
Ayon pa kay Topacio, nais sirain ni Magsaysay ang magandang solusyon sa problema ng lungsod dahil iniisip niya na kalaban sa politika si Mayor James “Bong” Gordon Jr. na makakalaban ng kanyang anak na si Jobo Magsaysay sa unang distrito ng Zambales.
Ipinaliwanag naman ni Louie Lopez, hepe ng PUD, na ang paglobo ng obligasyon ng PUD sa PSALM ay bunsod ng mataas na systems loss mula sa matatanda ng electrical power distribution systems at sa pagsubsidya sa pampublikong tanggapan tulad ng mga pampublikong paaralan, barangay hall, health centers, day care center, mga parke, pailaw sa kalsada, at iba pa.