KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City – Anim-katao na sinasabing notoryus na drug pusher ang nadakma ng mga operatiba ng PDEA-Region 3 at pulisya sa tatlong bayan sa lalawigan ng Bulacan kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Alipio Punzal, Jimwell Santiago, Pag-asa Diwa, Jozel Bernardo, ang magpinsang sina Larry Anonuevo, Roberto Matibag na kapwa nakatira sa Pabahay 2000, Brgy. Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Base sa ulat, sina Punzal at Santiago ay nadakma sa inilatag na by-bust operation sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Norzagaray kung saan nakumpiskahan ng kalahating kilo na pinatuyong dahon ng marijuana.
Samantala, si Diwa ay nasamsaman ng dalawang kilong marijuana at si Bernardo naman ay dalawa at kalahating gramo ng shabu sa isinagawang drug bust operation sa Brgy. Poblacion 2 sa bayan ng Marilao.
Sina Anonuevo at Matibag naman ay nasakote habang nagrerepak ng shabu sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Muzon kung saan narekober rin ang pitong cal. 38 revolver, cal. 22, tatlong bala ng M-203 grenade launcher, motorsiklo at ibang gamit sa paggawa ng malalakas na kalibre ng baril.