P7-M pinsala ng baha sa bayan ni Pacman

MANILA, Philippines – Umaabot sa P7 mil­yong halaga ng ari-arian ang napinsala matapos manalasa ang tubig-baha sa ilang barangay sa bayan ng Malungon, Sarangani kamakalawa.

Ayon kay Captain William Alfred Rodriguez, spokesman ng Army’s 1002nd Infantry Brigade, naitala naman sa 432 pamilya ang naapektuhan sa mga Barangay Malandag at Datal Tampal sa nasabing bayan na sinasabing lalawigan ni boxing icon at Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao.

Aabot naman sa 26 pamilya ang nawalan ng tirahan at pansaman­talang nanunuluyan sa Malandag Gym na pansamantalang evacuation center.

Sa ipinalabas namang ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, limang purok ang binaha sa Barangay Malandag sa bayan ng Malungon.

Lumilitaw na umapaw ang Tinagakan-Buayan River dakong alas-5:30 ng hapon simula pa noong Sabado bunga ng malakas na pag-ulan.

Naitala sa halagang P 7,140,620 milyon ang ari-ariang napinsala kung saan nasa 66 kabaha­yan ang nawasak, 130 ang nagkaroon ng sira habang 74 pang mga kabahayan na may mga kagamitan ang nawasak din.

Samantala, patuloy namang isinasailalim sa pagtaya ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura kung saan isinasagawa ang clearing operations ng mga kinatawan ng  lokal na pamahalaan sa tulong ng Philippine Army.

Show comments