Tatakbong Mayor sa halalan: Makati City engineer, patay sa ambus sa Albay
LEGAZPI CITY, Philippines – Patay ang city engineer ng Makati City matapos na pagbabarilin ng tatlong hindi nakikilalang suspek sa labas ng simbahan sa Brgy. Estancia, Malinao, Albay kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawing biktima na si Engr. Nelson Morales na umano’y kakandidatong municipal mayor sa naturang bayan, samantala ang bodyguard naman nito na sugatan ay kinilalang si ret. Army Raul Capitan at residente ng Brgy. Burabod ng naturang bayan.
Batay sa ulat ni P/Supt. Renato Bataller, ang taga pagsalita ng Kampo Ola, ang insidente ay naganap dakong alas -10:15 ng umaga habang ang biktima ay papalabas ng simbahan, kasama ang dalawang bodyguard nang bigla na lamang na pagbabarilin ng mga suspek. Mabilis naman na hinarang ng bodyguard ang kanyang katawan kaya rin siya nasugatan.
Nabatid na ang biktimang engineer na nakatakdang tumakbo sa pagka-alkalde sa lugar ay nag-ninong sa kasal kasama ang kapatid na babae na si Vice Mayor Alice Morales ng naturang bayan na tinangka rin na barilin ng mga suspek subalit ito ay naitulak ng bodyguard nito.
Sa impormasyon matapos ang kasalan na dinaluhan nito sa simbahan at nang makalabas na ito ay bigla na lamang na may pumutok sa likuran na kung saan agad na bumulagta ang engineer.
Subalit kaagad naman na nakita ng bodyguard nito na inasinta ang kanyang amo ay mabilis na iniharang nito ang kanyang katawan at ito ang tinamaan ng sumunod na bala at kahit sugatan na ito ay gumanti ito ng putok.
Maging ang mga dumalo sa kasalan ay nagtakbuhan papalayo sa lugar, dahil sa takot na tamaan ng mga ligaw na bala at ang bagong kasal naman ay hindi muna lumabas ng simbahan hanggang sa hindi matiyak ang kaligtasan.
Kaagad naman na tumakas ang tatlong hindi nakikilalang mga suspek sa lugar ng pinagyarihan ng insidente.
Matatandaan na ang bayan ng Malinao ay isa sa mga hot spot sa nakalipas na dalawang eleksyon.
Sa kasalukuyan masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito.
- Latest
- Trending