SUV bumaliktad: 3 kawani ng DPWH dedo

CAMP NAKAR, Lucena­ City,Philippines — Patay agad ang tatlong kawani ng lokal na sangay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang nasugatan naman ang dalawang iba pa matapos na bumaliktad nang makailang beses ang kanilang sinasakyang govern­ment vehicle sa kahabaan ng highway sa Sitio Pinlak, Barangay Magsaysay sa bayan ng Infanta, Quezon kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na nakarating kay Quezon PNP Director P/Senior­ Supt. Valeriano de Leon, nakilala ang mga namatay na sina Engineer Jose Roden Baldovino ng Lucban, Quezon; Engr. Raul Concepcion, 50, ng Brgy. Bocohan, Lucena City at si Michael Romantico, 37, pawang kawani ng DPWH-Quezon 1st Engineering District.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Claro M. Recto District Hospital sa bayan ng Infanta, ang mga sugatang sina Jason Pormalejo, 37, ng Lucban, Quezon at ang driver na si Jose Ellso Gonzales.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon ay bumabagtas ang Toyota Land Cruiser (SAD-803) ng mga biktima mula sa Sitio Kamagong matapos na mag-inspeksyon sa road project.

Dito nawalan ng kontrol sa manibela si Elloso dahil sa kadulasan ng kalye na naging sanhi upang maka­ilang ulit na bumaliktad at magpagulung-gulong ang kanilang sa­sakyan kung saan nasawi ang tatlo.

Show comments