2 police chief dedo sa salpok ng jeepney

LAGUNA, Philippines - Masaklap na kamatayan ang sinapit ng dalawang hepe ng Laguna police matapos salpukin ng pampasaherong jeepney sa harap ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Calauan, Laguna kahapon ng umaga.

Kinilala ni Laguna police director P/Senior Superintendent Gilbert Cruz ang mga nasawi na sina P/Senior Inspector Alex Marasigan, hepe ng Victoria police station at P/Chief Inspector Santiago Cuntapay, hepe naman ng Calauan police station.

Sugatan naman si PO3 Rodel Reyes Cardel, naka-assign sa Rizal police station.

Lumilitaw na naghahanda na ang mga pulis kabilang ang dalawang opisyal sa harap ng the Calauan police station para dumalo sa Crime Prevention Activity sa Calamba City nang maganap ang trahedya bandang alas-5 ng umaga.

Papasakay na sana ng mobile patrol (SGJ337) na nakaparada sa gilid ng North bound highway sa Barangay Bangyas nang salpukin ng pampasaherong jeepney (DXD-978) ni  Leonilo Resurreccion, 53.

“Naglalakad na sa bandang likuran  ng patrol car sina Capt. Marasigan at Major Cuntapay nang mai­pit sila ng rumaragasang jeepney,” pahayag ni Cruz

Patay agad si Marasigan at namatay naman si Cuntapay habang ginagamot sa Asian Hospital sa Muntinlupa City at si PO3 Reyes ay nakalabas nang nasabing ospital.

Wala namang grabeng nasugatan sa mga pasahero ng jeepney.

“Mukhang nakaidlip ang driver ng jeepney dahil madaling araw ito, kung nawalan ng preno ang jeepney dapat doon na niya(driver) dinala sa open field sa walang taong masasagasaan,” dagdag pa ni Cruz

Agad namang pinagpaliban ni Cruz ang selebrasyon ng Crime Prevention Month na may temang Takbo sa Kapayapaan sa Calamba City at sa halip ay nag-alay ng panalangin sa mga nasawing opisyal.

Samantala, nakapiit naman sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Calauan ang Jeepney driver na si Resurreccion para harapin ang kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and physical injury. Dagdag ulat ni Joy Cantos

Show comments